CLKSSchild labor knowledge sharing system

Personal tools
Log in Register

Kampanya ng Pilipinas Laban sa Child Labor, Pinapurihan ng US Labor Department

Sa sunod-sunod na limang taon, nakatanggap ng papuri mula sa United States Department of Labor (US DOL) ang pamahalaan dahil sa makahulugang gawain nito na paigtingin ang kampanya para wakasan ang hindi magandang kalagayan ng mga batang manggagawa.

Sa sunod-sunod na limang taon, nakatanggap ng papuri mula sa United States Department of Labor (US DOL) ang pamahalaan dahil sa makahulugang gawain nito na paigtingin ang kampanya para wakasan ang hindi magandang kalagayan ng mga batang manggagawa.

Batay sa Findings on the Worst Forms of Child Labor Report ng USDOL, ang Pilipinas ang isa sa dalawa sa 23 bansa sa Asia-Pacific ang nakatanggap ng significant advancement rating, ang pinakamataas na antas sa isinagawang assessment. May kabuuang 135 bansa ang naka-profile sa nasabing report.

Pinapurihan ng USDOL ang Department of Labor and Employment sa paglalabas nito ng bagong listahan ng mapanganib na trabaho at gawaing  ipinagbabawal para sa kabataan o ang Guidelines for the Employment of Migratory Sugarcane Workers at ang Revised Rules on Labor Laws Compliance System, na binibigyang prayoridad ang pagtatasa sa mga establisyamento at lugar-paggawa na may mga kabataang nagtatrabaho.

Binanggit din sa report ang regular na pagsasagawa ng pagsasanay sa Child Labor Assessment ng mga Labor Laws Compliance Officers sa pagpapalakas ng kapasidad ng mga kawani ng DOLE sa pagsusuri at pagtatasa ng mga insidenteng may kaugnayan sa batang-manggagawa at ang pag-empleo ng karagdagang labor laws compliance officers.

Ipinalabas ng USDOL ang report noong nakaraang Setyembre 21, at ito ang pang-limang taon na tinanggap ng Pilipinas ang nasabing parangal.

Nakasaad din sa report ang pag-update ng Philippine Program Against Child Labor, isang istratehiya na naglalayong alisin sa mapanganib na trabaho ang isang milyong batang-manggagawa sa 2025.

Pinapurihan din ang mas maayos at sama-samang pagpapatupad ng Children’s Emergency Relief and Protection Act ng Pilipinas, gayundin ang pagtatatag ng Internet Crimes Against Children Office sa ilalim ng PNP-Women and Children Protection Center upang labanan ang pagsasamantala sa mga kabataan gamit ang internet at ang pagsasagawa ng pagsasanay para sa mas pinahusay na pagsasagawa ng imbestigasyon at paglilitis sa mga kaso ng human trafficking.

Ang paglulunsad ng Revised Standard Operating Procedures on Trafficking in Persons Investigation at ang Manual in Handling Cases of Children at Risk and Children in Conflict with Law ay pinapurihan din sa nasabing report.

Hinihikayat ng report na lalong pagtibayin ng pamahalaan ang kampanya laban sa batang-manggagawa sa pagbibigay ng pahintulot sa mga labor inspector na pag-aralan ang parusa, karagdagang bilang ng labor inspector na mangangasiwa sa pagpapatupad ng batas na may kinalaman sa batang-manggagawa, at ang pagpapatupad ng mungkahing executive order para sa muling pagtatatag ng National Child Labor Committee.

END/Abegail De Vega/GMEArce

 

Article from https://www.dole.gov.ph/news/view/3890

Document Actions

Comments (0)