CLKSSchild labor knowledge sharing system

Personal tools
Log in Register

Isinulong ang kampanya para sa Child Labor – Free Barangay Usec. Lourdes Trasmonte, Bumisita Sa Quezon

Pagkilala at pagbibigay ng mga gamit pang-eskwela sa 72 mga batang manggagawa na matagumpay nang naibalik sa mga paaralan at paggawad ng suportang pangkabuhayan sa 27 mga magulang ng mga dating batang manggagawa ...

Pagkilala at pagbibigay ng mga gamit pang-eskwela sa 72 mga batang manggagawa na matagumpay nang naibalik sa mga paaralan at paggawad ng suportang pangkabuhayan sa 27 mga magulang ng mga dating batang manggagawa ang isinalubong ng lalawigan ng Quezon sa pagbisita ni DOLE Usec Lourdes Trasmonte sa barangay Dalahican, lungsod ng Lucena nitong nakaraang 10 Setyembre 2012.

Ang pagbisita ni Usec Trasmonte, na kumatawan kay DOLE Secretary Rosalinda Baldoz, ay bahagi ng paglilibot ng DOLE sa iba’t ibang mga barangay sa bansa upang isulong ang kampanya para sa Child Labor – Free Barangay.

Malawak na suporta ng mga taga Quezon sa kampanya para sugpuin ang Child Labor sa kanilang mga komunidad ang ipinakita ng aktibidad na ginanap sa barangay Dalahican.

Isinusulong ng pamahalaang panlalawigan ang programa para sa Child Labor Free – Quezon sa taong 2020.

Nagsimula namang magluwal na ng mga positibong resulta at abanteng karanasan ang mga programa ng pagkilos na ipinatutupad ng ILO-IPEC katuwang ang mga Implementing Agencies nito na DOLE, DepEd, PSWDO, at CSWDO na naglalayong ganap na sugpuin ang Child Labor sa 18 barangay na matatagpuan sa lungsod ng Lucena at mga bayan ng Calauag at Catanauan – ang mga komunidad na nagtala ng pinakamalalaking bilang ng Child Laborer sa Quezon.

Isa sa nasabing mga programa ay ang Child Labor Monitoring and Integrated Services and Delivery System (CLM-ISDS) na ipinatutupad ng DOLE – IVA. Ang CLM-ISDS ay nakapokus sa paglaban sa Child Labor sa antas komunidad at nakasentro sa pagtutulungan ng iba’t ibang sektor sa komunidad upang ito ay sugpuin.

Ang pundasyon ng ganitong estratehiya ng paglaban sa Child Labor ay ang binigyang diin ni Jess Macasil ng ILO-IPEC sa kaniyang pananalita. Ayon sa kanya, kailangan ang pagtutulungan ng isang komunidad upang lumaki ng maayos ang isang bata at maiwaksi na sila ay mauwi sa pagiging isang batang manggagawa.

Patunay ng pagsulong ng ganitong estratehiya ang naganap na pagsalubong kay Usec Trasmonte kung saan nagsama-sama sa isang aktibidad ang 72 dating batang manggagawa kasama ang kanilang mga magulang, 15 guro mula sa Dalahican Elementary School kasama ang kanilang prinsipal na si Dr. Marieta Altes, at 25 miyembro ng BCPC kasama ang pamunuan ng Barangay Dalahican.

Bukod sa mga lokal na stakeholders sa isyu ng Child Labor sa Barangay Dalahican, nakilahok at nagbigay din ng suporta sa nasabing aktibidad ang mga kasapi ng Provincial Council for the Protection of Children (PCPC) na kumatawan sa pamahalaang panlalawigan; ang mga kinatawan ng lokal na pamahalaan mula sa Lucena, Catanauan, at Calauag sa panunguna nina Mayor Talaga at Mayor Visorde, kasama ang mga kasapi ng kani-kanilang mga Barangay Council for the Protection of Children (BCPC); ang mga negosyante ng Quezon na kinatawan ng Quezon Chamber of Commerce and Industry at ng Filipino Chinese Chamber of Commerce; ang mga Rotary Clubs sa Lucena; at ilan pang mga NGO.

Ang pangangailangang magtulungan ang iba’t ibang sektor para sugpuin ang Child Labor rin ang diwa ng talumpati ni Usec Trasmonte. Ayon pa nga sa kanya, ganito rin ang pananaw ng pambansang pamahalaan. Katunayan, inatasan na ni P-Noy ang mga kalihim ng DA, DSWD, DepEd, DOLE, at DILG para magtulong-tulong sa pagsugpo sa Child Labor.

Bago magbigay ng kaniyang talumpati, namahagi muna si Usec Lourdes Trasmonte kasama sina DOLE Dir Nikon Fameronag at DOLE RD Alex Avila, at Lucena Mayor Ruby Talaga, ng mga gamit pang-eskwela para sa mga batang manggagawa na nagbalik-paaralan na. Para naman sa 27 magulang ng mga dating batang manggagawa, ipinagkaloob ni Usec Trasmonte ang mga tulong pangkabuhayan.

Kapwa pasasalamat naman ang mensahe ni Madel Maestro, isang batang manggagawa at ni Elena Orijuela, isang magulang ng dating batang manggagawa.

Ayon kay Madel, tulak ng pangangailangan ang nagsadlak sa kanya sa pagiging batang manggagawa. Hindi siya nakapag-aral dahil kulang na kulang ang kita ng kaniyang mga magulang para tustusan ang pag-aaral nilang sampung magkakapatid.

Subalit sa pangungumbinse at tulong ng BCPC ng kanilang barangay ay pumapasok na siya ngayon sa Alternative Learning System (ALS). Ayon naman kay aling Elena, talagang nakakatulong sa kanilang pang-araw-araw na gastusin ang kita ng kaniyang anak sa pagtitinda subalit kapalit nito ay nahinto naman ito sa pag-aaral.

Subalit sa tulong programa ng ILO-DOLE ay nakumbinsi din siya na ang tulong na ito ay hindi pangmatagalan. Dagdag pa, naisip din niya na magkakaroon din ang kaniyang anak ng sariling pamilya sa hinaharap, at kung hindi ito makapag-aral ngayon, ganoon din ang kauuwian ng magiging mga anak nito. Bagamat nakakatulong, ipinasiya nilang mag-asawa na pabalikin na lamang sa pag-aaral ang kaniyang anak para paghandaan ang kanyang kinabukasan.

Nagtapos ang programa sa paglagda ng mga kalahok sa isang Deklarasyon ng Paninindigan at Suporta para sa kampanyang Child Labor – Free Barangay. Sa pagsulat ng kanilang mga pangalan sa deklarasyon, malakas na ipinaabot ng mga kalahok ang mensahe ng aktibidad sa araw na iyon: “Sugpuin ang Child Labor sa mga Komunidad, Ngayon Na!”

Document Actions
Filed under:

Comments (0)