CLKSSchild labor knowledge sharing system

Personal tools
Log in Register

DOLE, kinilala ang Pagadian City sa suporta sa kampanya tungo sa Child Labor-Free Barangay

Pinapurihan kahapon ni Kalihim Rosalinda Dimapilis-Baldoz ng Kagawaran ng Paggawa at Panghanapbuhay ang mabilis at epektibong tugon ng Lungsod ng Pagadian sa pamumuno ni Punonglungsod Samuel Co sa Child Labor-Free Campaign ng Kagawaran, matapos nitong maipakita sa kalihim ang ginawa nitong pakikipagtulungan sa iba't-ibang ahensya ng pamahalaan at organisasyon sa pribadong sektor upang maibalik sa paaralan ang 41 batang biktima ng child labor.

Si Baldoz, na dumalaw sa Pagadian noong kabilang linggo, ay nagpahayag ng kasiyahan sa pagkakatigil sa pagtatrabaho ng 41 batang manggagawa sa Pagadian Integrated Bus Terminal (PIBT) bilang mga vendor, tagapaglinis ng mga bus, katulong sa konstruksyon, at magsasaka. Ang kanila namang mga magulang ay nagtatrabaho bilang ambulant vendors, karpintero, at mananahi.

Ang 21 sa 41 batang manggagawa ay pawang children-at-risk of becoming child laborers, samantalang ang 20 naman ay tumigil sa pag-aaral at nagtrabaho bago muling bumalik sa paaralan.

Sa unang pagbisita ni Baldoz sa Pagadian City, kaniyang kinilala ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga lokal na pamahalaan sa pagbaka sa child labor, at itinampok sina Mayor Co at Punong Barangay Joelito Vedra ng Barangay Bulatok sa pagkaka-rescue sa mga batang nagtatrabaho sa PIBT.

Sa pakikapagtulungan ng dalawang opisyal sa DOLE, Department of Education, Department of Interior and Local Government, Association of Barangay Chairman, Rural Transit Mindanao, Philippine Information Agency, Public Employment Service Office, Women Widow Apostolate of Pagadian City MPC, at Pagadian Association of Recruitment Agencies, naibalik nina Mayor Co at Punong Barangay Vedra ang 14 na batang manggagawa sa eskuwelahan--pito sa elementarya at pito sa haiskul.

Naibalita din ni Mayor Co sa Kalihim na naipa-enroll ng pamahalaang lungsod ang 29 estudyante na dating manggagawa sa Alternative Learning System ng DepEd.

Samantala, ikinatuwa ni Baldoz na kumikilos nang mabilis ang Barangay Bulatok Council for the Protection of Children na pinamumunuan ni Kagawad Bryan Teves. Ang BCPC ang nagmo-monitor sa sitwasyon ng mga batang manggagawa sa isang barangay at nagbabalangkas ng mga programa at serbisyo para sa mga child laborers sa pakikipagtulungan sa mga stakeholders at partners nito.

Si Tevez ang siyang nagtaguyod sa pagkakapasa ng resolusyong nagtatag ng ALS sa naturang barangay at bumuo ng Touth Empowerment System sa tulong ng DOLE Integrated Livelihood Program.

"Kailangan natin ang mga batang opisyal ng pamahalaan na katulad ni Kagawad Teves," ayon kay Baldoz nang makadaupang palad ang naturang opisyal ng barangay.

Lubos namang pinasalamatan ni Mayor Co si Kalihim Baldoz sa pagbibigay ng suporta sa Pagadian City at sa Barangay Bulatok na isa sa mga target na barangay sa ilalim ng child labor-free campaign ng DOLE.

"Minsan din akong naging bata kaya nauunawaan ko ang kanilang pangangailangan. Salamat sa DOLE sa pagtulong sa amin upang aming maprotektahan ang kanilang mga karapatan," ayon pa kay Mayor Co.

Partikular na tinukoy ni Co ang pamamahagi ni Kalihim Baldoz ng mga livelihood starter kits sa 20 magulang ng mga batang manggagawa sa Barangay Bulatok na nagkakahalaga ng P200,000 mula sa DOLE Integrated Livelihood Program. Habang nasa Pagadian City, namahagi rin si Baldoz ng mga school supplies as 25 child laborers sa naturang barangay, at lumagda ng memorandum of agreement sa pamahalaang lungsod ng Pagadian upang ito ay maging child labor-free city.

Document Actions
Filed under:

Comments (0)